Panitikan

Ang Alamat ng Batobalani
(The Legend of Magnet)
            - Kathang-Isip ni Chie Aguila

Noong unang panahon, may isang dalagang ubod ng ganda.  Ang ngalan niya ay Alani.  Siya ay sobrang lapitin ng mga lalaki, binata man o may asawa na.  Nguni’t may kakaiba siyang ugali.  Gustung-gusto niyang pinag-aagawan siya ng mga lalaki lalo na yaong mga may asawa na.  Tuwang-tuwa siya kapag nag-aaway ang mga ito dahil sa pinagseselosan siya.

Isang araw, habang naglalakad si Alani ay sinipulan siya ni Karlo na kasalukuyang kasama noon ang kanyang asawang si Gloria.  Dahil doon ay galit na inaway ni Gloria ang kanyang asawa.

“Bakit mo siya sinipulan? May asawa ka na at kasama mo pa ako. Hindi ka na nahiya!”  pagalit na wika ni Gloria habang hinahampas ang asawa.

Tatawa-tawa si Alani habang papalayong naglalakad pauwi sa kanyang bahay.

Pagkarating sa bahay ay dinatnan niya ang mga binatang manliligaw niya na nag-aabang na sa kanya.

“Hay Naku! Magsiuwi na nga kayo! Napapagod ako,  Ayokong tumanggap ng bisita ngayon,” ang pasigaw na wika ni Alani.  Lulugu-lugong nagsiuwian ang mga lalaki.

Madalas na minamasdan ni Alani ang kanyang sarilil sa harap ng salamin.  “Hahahaha!  Ang ganda-ganda mo kasi Alani kaya maraming nahuhumaling sa iyo”, wika niya sa sarili. 

Minsan, lumabas na naman ng bahay si Alani.  Tulad ng dati, napukaw na naman niya ang tingin ng mga kalalakihan kaya lalo niya pang pinaghusayan ang kanyang paglalakad.  “Pagkakaguluhan na naman ako sigurado nito,” pabulong na wika ni Alani. 

Ganoon ng ganoon ang mga pangyayari sa halos araw-araw kaya marami ng kababaihan ang naiinis sa kanya. Kung minsan ay sinasadya pa niya na magpapansin sa mga kalalakihan upang lalong mamuhi ang mga kababaihan sa kanya. 

Hanggang sa isang araw ay dumating na ang kasukdulan ng kasamaan ng ugali ni Alani.  Mayroon siyang nagustuhang isang lalaking may-asawa na si Ador.  Nahumaling din ito sa kanya hanggang sa hiniling niya na sa lalaki na iwan na nito ang kanyang asawa at mga anak.  Pumayag naman ang lalaki at iniwan na nga nito ang kanyang asawa.

Habang sila’y masayang nagsasama ni Ador ay patuloy naman ang pagdurusa ng mag-anak ni Ador dahil hindi matanggap ng asawa nito na iniwan na sila ng kanyang asawa.

Isang umaga, nasalubong nina Alani at Ador ang asawa ni Ador na si Eloisa kasama ang dalawa nilang anak.  “Hahaha!  Kawawa naman ang isang babae.  Iniwan ng kanyang asawa.  Kasi hindi naman maganda. Hahahaha!!!  sabay higpit ng hawak kay Ador. 

“Walanghiya ka!  Nakukuha mo pang magtawa sa akin e ikaw na nga itong nang-agaw ng asawa ng may asawa! Ang kapal ng mukha mo!, galit na  galit na wika ni Eloisa.

“Pangit ka kasi. Pangit!!!  Di na babalik sa iyo ang asawa mo.  Huwag ka nang umasa pa, ang wika ni Alani kay Eloisa.  Pagkatapos ay hinarap ni Alani ang dalawang anak ni Eloisa at sinabing “ Hindi na kayo mahal ng tatay niyo.  Ako na ang mahal ng tatay ninyo.” 

Sa galit ni Eloisa sa ginawa ni Alani ay winika nitong “ Sanay’y maging bato ka.  Tutal wala kang awa.  Parang bato ang puso mo.  Maging bato ka sana.  Maging bato ka sana.:”  Paulit-ulit na wika ni Eloisa.

Maya-maya ay unti-unti nang naramdaman ni Alani na hindi niya na maikilos ang mga bahagi ng kanyang katawan hanggang sa siya’y maging isang bato.
  
Sa tindi ng galit ni Eloisa ay hindi pa ito nakuntento sa nangyari kay Alani.  Pinaghahampas pa niya ang naging bato na si Alani hanggang maging pira-piraso ang mga bahagi nito.  Kumuha siya ng mga piraso nito at humahagulgol na umuwi sa kanilang bahay kasunod si Ador at ang mga anak nito. 

Hindi makapaniwala si Eloisa sa nangyari.  Parang panaginip lamang ang lahat. Habang pinagmamasdan ang bato sa kanyang kamay ay napansin niyang nagdidikitan ang mga maliliit na bagay na yari sa bakal sa hawak niyang bato.  Napatulala si Eloisa at pansamantalang nawala sa katinuan ang isip nito at walang tigil ito sa  pagwikang, “Totoo ngang naging bato si Alani.”  Totoo ngang naging bato si Alani”, habang patuloy nitong pinapaikot sa kanyang kamay ang mga bato.  Kapag tinatanong siya ng mga tao kung ano ang tawag sa batong hawak niya ay wala siyang sinasabi kundi “Naging bato si Alani”... “Naging bato si Alani”. 

Kalaunan ang “Naging bato si Alani” ay naging “Bato Balani”.  


Balagtasan
Tema:   Cell phone, Nakabubuti o Nakasasama?
                                              - Chie Aguila                         
Lakandiwa:       Ako’y bumabati ng isang magandang araw,
                         Decie June po ang lingkod ninyo’t kaagapay,
                         Bilang lakandiwa paksa’y lilinawin,
Kung sino ang may katwiran ating aalamin,
Sa dalawang panig na naririto ngayon,
Nakabubuti  ba o nakasasama?
Ang cellphone sa mga taong gumagamit niyon
Mahirap limiin kaya’t ating pakinggan
Ang para sa unang tindig, ating palakpakan.

Nakabubuti:      Ako si Minerva na taga Calamba
Sa paksa ng pagtatalo ay handang-handa na
Sagot ko’y ang cellphone ay nakabubuti
Sa pakikipagtalastasan sa nakararami
Lalo na sa panahong tayo’y malayo
Sa piling ng mga mahal nating katoto.

Lakandiwa:       Unang tindig pa lang ni Nakabubuti,
Umaarangkada na’t nanghihikayat na
Makatang bihasa ngayo’y magsikap ka
Sagutin ang mutyang may tulang kaayaaya
Sa panig ng Nakasasama, ating pakinggan
Sa kanyang unang tindig, ating palakpakan.

Nakakasama:   Pablo ang ngalan, Cabuyao ang pinagmulan
Sa ganang akin ay nakasasama lamang
Itong cellphone na kinahuhumalingan
Ng mga kabataan o ng nakatatanda man
Ginagamit sa laro at pangporma lang naman
Pinag-aaksayahan ng pera’t panahon.

Nakabubuti:      Iyong tinuran, maling-mali naman
Ginagawa lang naman itong isang libangan
Pampalipas oras sa mga naiinip
Pang-aliw din ito sa mga nagugulumihan.

Nakasasama:    Pa’nong magiging mali si Pablong paham?
Samantalang malinaw sa’yong tinuran
Na mas inuuna ang cellphone na iyan
Kaysa iba pang mas mahalagang bagay.

Nakabubuti:      Masyadong  tradisyonal iyong kaisipan
Kaya pati ang mga modernong bagay
Negatibo sa iyo, iba ang iyong tingin
Di kayang tanggapin, masama ang ‘yong turing.

Nakasasama:    Di naman totoo ang iyong tinuran
Sadyang marami lang akong pagpapatunay
Na nakasasama ang cellphone na iyan
Di mo ba nadirinig ang mga balitang      
Pamilya’y nawasak dahil sa cellphone lang?
Nagsimula sa text text at mga tawag tawag
Ng maglao'y nagpasyang magsama na lang
At iwan ang pamilyang dating minamahal.

Nakabubuti:      Masyadong malawak ang imahinasyon,
Ng makatang ito na mula sa Cabuyao
Di naman cellphone ang  totoong dahilan
Ng pagkawasak ng mga pamilyang yaon
Itong cell phone nga ay nakatutulong
Upang lalong mapagtibay ang relasyon
Dahil mas madalas ang komunikasyon
                         Kung gugustuhin, kahit pa nga sa maghapon.

Nakasasama:    Sa iyo na rin nanggaling na ang cellphone na iyan
Halos ginagamit sa buong maghapon
                          Napapabayaan ang trabaho nila
At sa loob ng klase, text ng text sila
Na mga oras na sana’y ginugugol nila
Sa mabuting paraan at sa may kabuluhan.

Nakabubuti:      Hahaha!  Matanong nga kita Ginoo
‘kaw ba’y walang cell phone kaya katwira’y ganyan?
Kung may cell phone ka ay iyong malalaman
Halaga at tulong nito sa’ting buhay.

Nakasasama:    Wala man akong cellphone may telepono naman
Kung sa komunikasyon ay okay din naman
Di tulad ng cellphone na lagi mong tangan
Na ‘kala mong di mabubuhay kung wala ka niyan.
Noo’y walang cellphone, nabubuhay naman
Bakit ngayo’y kung walang cell phone ang isang tao’y
Para sa iyo’y isa ng kakulangan?
Na kung tutuusi’y isa lang namang kayabangan.

Nakabubuti:      Gumising ka nga Ginoong makaluma,
                         Subukan mo ngang cellphone ay magkaroon
                         Saka mo sabihin, saka magsalita
Ito’y di nakabubuti at nakasasama.

Nakasasama:    Di yata nag-iisip bago magsalita
                         Ang matayog ang lipad na taga Calamba
Bakit ko naman bibilhin ang ‘sang bagay
Na di gagamitin at nakasasama?
Kung ganyan ang katwiran ng marami sa atin
Kahit walang pera’y pipilitin mandin
Magkaroon lamang ng bagay na mithi
Kahit na magnakaw ay gagawin pa rin.

Nakabubuti:     Mahirap palang sa’yo’y makipagtalo
                        Sarado ang isip at di maginoo
                        Masyadong negatibo at pilosopo
                        Siguradong walang makikipagtext sa’yo.

Lakandiwa:      Tama na, sukat na inyong pagtatalo
                        Mga manonood, tulungan ninyo ako
                        Sa paghuhurado sa dalawang ito
                        Cellphone ba’y nakabubuti o nakasasama ito?
                        Sa huli’y kayo na ang siyang humusga
                        Sa inyo ko iiwan ang isang pagpapasya
                        Sa dal’wang panig, palakpak na mabunyi
                        Dapat gawin at igawad sa kanila.

No comments:

Post a Comment